496

Oct 14, 2017 @ 14:35

Aso’t pusa sa Makati, may microchips na may passport pa

Magiging high-tech na ang pagtukoy sa nagmamay-ari ng mga aso at pusa sa Makati at ang pagmomonitor kung nabakunahan na ang mga ito laban sa rabies.

Tataniman ang 30,000 aso at pusa sa buong lungsod ng PET iCHIPS na magsisilbing pemanenteng ID ng mga alagang hayop.

Ayon kay Dr. Jing Mangahas, officer-in-charge ng Veterinarian Services Office ng Makati City Hall, ang microchips ay maglalaman ng 15 numero na siyang magiging access code sa talaan ng pangalan ng hayop, pangalan ng nagmamay-ari at kanilang tirahan, pangalan ng kanilang beterinaryo at pati na ang vaccination records.

Isisilid ang microchip sa glass cylinder na hindi hihigit ang laki sa butil ng bigas bago itatanim sa shoulder blade ng alagang hayop.

Hindi umano kailangang turukan ng pampangimi ang aso at pusa dahil hindi nila mararamdaman kapag itinurok ang microchip sa kanilang balat.

Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, libre ng pamahalaang lungsod ang microchipping kaya hinihikayat niya na makikiisa ang mga pet owner sa lungsod.

Panlaban umano ito sa pagnanakaw ng aso at pusa at pang-iwas din sa hindi napapanahong pagpapaturok ng anti=rabies vaccine.

“These PET iCHIPs are your pets’ way back to you. Collars and tags can fall off or be removed but microchips will stay in place for many, many years. This technology will help pet owners like myself monitor the health and safety of our animals. It will help us become more responsible pet owners,” pahayag ng mayor.

Gamit sa microchips ang Radio Frequency Identification (RFID) technology.

Bukod sa microchips, sinabi ni Dr. Mangahas na mag-iisyu rin sila ng “pet passport” na makakatulong para sa mga pet owner na nagbibitbit ng alagang hayop sa byahe sa ibang bansa/

Sa pag-aaral ng American Veterinary Medical Association (AVMA), nabalik ang 52.2 percent ng mga aso nang dahil sa microchips at 21.9 percent lang ang nabalik dahil walang microchips.

Mahigit 38 percent naman ng mga pusa na may microchip ang naisauli saantalang habang 1.8 percent lang ang naisauling pusa na walang microchip. (Sherlock Homes)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?