79
ASF kalat na: 6,900 baboy pinatay sa Davao
Feb 9, 2020 @ 14:57
By

ASF kalat na: 6,900 baboy pinatay sa Davao

Umabot na sa Davao City ang African swine fever na sumalanta sa hog industry ng Luzon nung 2019.

Ayon sa Department of Agriculture, January 27, 2020 nagkaroon ng suspicious deaths ng mga baboy sa barangay Dominga at barangay Lamanan sa Calinan district ng Davao City. Ang dalawang barangay ay may 2,398 na alagang baboy at 407 sa mga ito ang pinatay na para hindi na kumalat ang ASF.

Sabi ni DA secretary William Dar, nag-alok na si Davao City mayor Sarah Duterte ng P5,000 bilang danyos sa bawat baboy na papatayin na hiwalay pa sa P5,000 na binibigay ng DA sa bawat alagang baboy na apektado sa mga hog raiser.

Hindi malinaw kung nauna ang outbreak sa Davao City kaysa sa outbreak sa Davao Occidental na nagsimula noong January 29, 2020, base sa isinumiteng report ng Bureau of Animal Industry sa OIE o World Animal Health Organization.

Sabi ng DA, 14,087 na baboy na ang apektado ng ASF sa Mindanao: 7,551 sa Don Marcelino sa Davao Occidental, 4,138 sa Malita sa Davao Occidental, at 2,398 sa Calinan district ng Davao City.

Nasa 6,902 na mga apektadong baboy ang pinapatay na para hindi kumalat ang ASF sa Mindanao. Ayon sa 1-7-10 protocol ng DA, papatayin ang lahat ng nasa loob ng 1 kilometro nang nakitaang may ASF at imomonitor ang mga baboy na nasa loob ng 7 kilometro. Mahigpit namang babantayan ang paglabas-pasok ng mga hayop sa loob ng 10 kilometro.

Karamihan sa mga pinapatayan ng baboy sa Luzon ay mga maliliit na backyard raiser dahil halos exempted ang commercial farms nang inamenda ng DA ang Administrative Order nito tungkol sa 1-7-10 protocol. Sa inamendang AO, maaring maglabas ng baboy ang mga commercial farms sa lugar na may ASF outbreak para dalhin sa accredited slaughterhouse at maibenta ang karne.

Ayon sa DA, pansamantalang pinahinto na ng pamahalaang lalawigan ng Davao del Sur ang Sulop livestock market para hindi na kumalat ang ASF sa Mindanao.

Ayon kay BAI director Ronnie Domingo, dalawa ang maaring pinagmulan ng ASF sa Mindanao: ang pagdala ng kaning baboy na may baboy mula sa Indonesia na karamihang mga tao ay Muslim o ang pagdala ng mga produktong baboy mula sa Luzon nung Christmas holidays. Swill feeding o pagpapakain ng tiratira sa mga baboy ang sinisising dahilan kung bakit nagka ASF sa Luzon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?