119

Oct 20, 2017 @ 15:29

ASEAN Summit, ‘di makakaantala sa biyahe ng kargamento – PPA

Hindi magdudulot ng pagsisikip sa mga pantalan sa Lungsod ng Maynila ang nalalapit na Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Leaders Summit sa Nobyembre.

Ito ang pagtitiyak ng Philippine Ports Authority (PPA) kaugnay ng inaasahang sitwasyon sa Manila International Container Terminal (MICT), Manila South Harbor (MSH) at Manila North Port (MNP) dahil nalalapit na international event.

Ayon sa PPA, hindi magdudulot ng pagkaantala sa pagdating ng mga barko at pagbiyahe ng mga kargamento ang ASEAN Summit.

Gayunman, inaabisuhan na ngayon pa lamang ahensiya ang mga cargo owner na planunin na ang pagbiyahe ng kanilang mga kargamento mula at patungo sa mga pantalan para maibsan ang commercial delay dahil sa ASEAN event.

Nauna nang sinabi ng PPA na hindi nila inaasahang magdudulot ng port congestion ang pagdagsa ng mga kargamento dahil sa nalalapit na Christmas season.

Maging ang desisyon umano ng BOC na suspindihin ang operasyon ng Green Lane ay hindi rin inaasahang magdudulot ng negatibong epekto sa daloy ng mga kargamento mula at patungo sa mga pantalan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?