37

By

ASEAN ministers, nagkaisa laban sa ugat ng terorismo

Sharing is caring!

Sama-samang nanindigan ang mga minister ng sampung bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na labanan ang radicalisation at violent extremism na humahantong sa terorismo.

Ito ay batay sa tatlong pahinang Manila Declaration to Counter The Rise of Radicalisation and Violent Extremism na in-adopt ng mga minister ng ASEAN.

Sa tatlong pahinang dokumento, idineklara ng mga minister na gagawa sila ng hakbang para masugpo ang radicalisation, pagpopondo, at recruitment ng mga indibiduwal ng teroristang grupo.

Para matiyak na ang mga naging radikal o extremist individual ay handang bumalik sa lipunan at mapigilan ang muli nilang pag-anib sa mga teroristang grupo, binigyang-diin ng mga minister ang kahalagahan ng rehabilitasyon at reintegration program bilang bahagi ng komprehensibong mga hakbang laban sa terorismo.

Nagkasundo rin ang mga minister na isulong ang edukasyon partikular na ang pagpapalaganap ng peace education lalo na sa mga kabataan sa ASEAN kung saan binibigyang-diin ang diwa ng mapayapang paglutas sa mga hidwaan.

Mahalaga rin umano na magpatuloy ang palitan ng mga impormasyon at kaalaman sa pagitan ng mga miyembro ng ASEAN kung paano malalabanan ang terorismo.

Importante rin umano na maisulong ang dayalogo at conflict prevention; mapagtibay ang good governance, karapatang pantao at rule of law; pagpapalakas sa hanay ng mga kabataan, kababaihan at maisulong ang gender equality; mapalawak ang access sa edukasyon, at makalikha ng trabaho at mapaghusay ang komunikasyon, gayundin ang internet at social media.

Nagkasundo rin ang mga minister na bumuo ng campaign plan at gamitin sa kampanya ang lahat ng uri ng information and communication technologies at tiyaking mapagkakaitan ang mga nagsusulong ng extremism ng pagkakataon na maisulong ang kanilang ideyolohiya. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?