929

Jul 16, 2021 @ 11:40
By

Asawa ni mayor nagwala, kapatid ng abogado pinaghahampas!

Nakuhanan sa video ang ginawang panghahampas ng isang babae sa kapatid ng isang abogado dahil sa alitan tungkol sa lupa.

Kinilala ng Kilusang Maralita sa Kanayunan (KilosKa) ang nanakit na babae na si Virginia Yap, asawa ng alkalde ng Lala, Lanao del Norte na si Angel Yap.

Nag-ugat umano ang kaguluhan matapos ang conference na pinatawag ng provincial sheriff ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board Region 10 para ipatupad na ang writ of execution sa pagkapanalo ng walong magsasaka sa kanilang landowner na si Yap.

Base sa desisyon, kinilala ang mga magsasaka bilang tenant sa naturang lupa at pinababalik sila sa kanilang lupang sinasakahan.

Sa report ng ‘Frontline Pilipinas’, nagalit umano si Virginia sa mga tumutulong sa walong magsasaka, kasama na rito ang abogadong humawak ng kaso.

“Hindi niya napigilan ang kanyang sarili sa pagwawala dahil nagalit sya nang husto sa mga taong tumutulong sa mga magsasaka o tenants. Sa loob ng sasakyan ang legal counsel Atty. Saidamen Barrat, at mga organisasyon na tumulong upang makuha ng mga magsasaka ang karapatan nila bilang magsasaka at tenante,” ayon sa pahayag ng KilosKa.

Ayon pa sa samahan, kaya nagrereklamo ang mga magsasaka ay dahil pinapatayuan na umano ng subdivision ni Yap ang lupang kanilang pinagsasakahan.

Sasampahan ng kasong physical injury si Yap dahil sa ginawang pananakit nito sa kapatid ng abogado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?