50

Feb 21, 2020 @ 17:03
By

Asawa ng sundalo patay sa pamamaril sa Samar

Patay ang isang ginang habang sugatan naman ang asawa nitong sundalo matapos silang pagbabrilin ng nag-iisang gunman sa loob ng kanilang tindahan, Huwebes ng gabi sa Calbayog City, Samar.

Dead on the spot dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang ginang na si Flora Bonayog Lerois, 30, habang nagtamo naman ng tama sa braso ang asawa nitong si Corporal Edgar Lerois, 37, nakatalaga sa 43rd Infantry Battalion sa Lope De Vega, Northern Samar.

Samantala mabilis namang tumakas ang nag-iisang suspek bitbit ang hindi pa batid na kalibre ng baril na ginamit nito sa pamamaril sa mag-asawa.

Sa ulat ng Calbayog City police, naganap ang insidente dakong alas-8:50 ng gabi habang parehong nasa loob ng kanilang sari-sari store sa Barangay Tarabucan ang mag-asawang biktima ng dumating ang suspek na armado ng baril at agad silang pinagbabaril sa loob ng tindahan.

Nabatid na napuruhan ng mga tama ng bala ang ginang dahil ito ang mas malapit sa puwesto ng suspek habang nakuha namang makakubli ng sundalo matapos tamaan sa braso na kasalukuyang nagpapagaling sa Calbayog District Hospital.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pamamaril upang mabatid ang motibo at posibleng pagkilala sa suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?