62
MRT-mrtirik
By

Asahan ang maayos na serbisyo ng MRT-3 sa Pebrero – DOTr

Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na hindi na muling papalya ang pagbibiyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) dahil sa paparating na spare parts mula sa bagong maintenance provider nito.

Inaasahan kasing darating sa Pebrero ang iba pang kailangan upang tuluyan nang maayos ang mga nadiskaril na tren at mapalitan ng bago ang mga motoring system nito.

Ayon kay Transportation Sec. Arthur Tugade, asahan na muling aakyat ang bilang ng mga bumibiyaheng tren at mababawasan na rin ang pagtirik nito na halos araw-araw ay nagaganap.

“Ramdam po namin ang hirap na dinaranas natin araw-araw sa MRT-3. Ngunit kami po ay humihingi sa inyo ng pang-unawa at pasensiya. Hindi tumitigil ang gobyerno upang masolusyunan ang bulto ng mga problemang ukol dito,” ayon kay Tugade.

Una nang bumuo ang DOTr ng Special Bids and Awards Committee (SBAC) para tutukan ang mabilis na pagmamantina ng mga bagon na hindi maayos ang kondisyon at sa pagtatag nito ay unti-unti namang naaayos ngunit kailangan ng matinong maintenance provider.

Ayon pa sa DOTR, simula noong mag-take over ang Maintenance Transition Team (MTT) ng gobyerno sa pagmamantina ng MRT-3 noong Nobyembre 2017, ibinaba sa 15 ang bilang ng mga tren na pinapatakbo araw-araw, lalo na kapag peak hours at upang mas matutukan ang mga bagon na hindi maayos ang kondisyon.

Una nang isiniwalat ng DOTr na nabigo ang Busan Universal Rail Inc. (BURI) bilang dating maintenance provider ng MRT-3, na panatilihin ang sapat ng supply ng spare parts ng mga tren at maiayos ang kalagayan ng mga bagon.

Sa paparating na bagong maintenance provider ng MRT-3 na isang Japanese firm na Sumitomo Corporation, inaasahang wala nang aberya pang magaganap sa kanilang pagpasok ngayong Mayo 2018. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?