107

Dec 21, 2017 @ 23:19
By

Arvin Balag pinakawalan na ng Senado

Pinalaya na ng Senado ang fraternity hazing suspect na si Arvin Balag.

Ayon kay Senate Sergeant-at-Arms Jose Balajadia, pinakawalan na si Balag mula sa detensyon ng Senado dahil natanggap niya ang direktiba ng Korte Suprema.

Dakong alas-7 ng gabi pinasama ni Balajadia si Balag sa tatlong abogado nito matapos nitong maipasa-isailalim sa medical check up na kabilang sa kanilang standard operating procedure.

Naimpormahan na rin umano tungkol dito sina Senate President Koko Pimentel at Senator Ping Lacson na chairman ng Senate committee on public order.

Ang komite ni Lacson ang nag-utos na ikulong si Balag sa Senado dahil sa pagtanggi nitong sumagot sa tanong ng mga senador sa gitna ng pagdinig ukol sa pagkamatay ni dating UST law student Horatio Atio Castillo III sa hazing rites ng Aegis Juris fraternity kung saan presidente umano si Balag.

Nakulong ito sa Senado mula noong Oktubre 18. Palalayain sana noong Nobyembre 6 pero patuloy na nakulong sa Senado bunsod ng pagpepetisyon sa Supreme Court laban sa Senado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?