172

Oct 23, 2017 @ 10:55

Arvin Balag bubulukin sa Senado – Zubiri

“Mabulok siya sa Senado.”

Ito ang mariing sinabi ni Senador Juan Miguel Zubiri ukol kay Arvin Balag, ang ayaw umamin na Grand Praefectus (GP) o presidente ng Aegis Juris fraternity.

Nakakulong si Balag sa Senado matapos i-contempt ng Senate blue ribbon committee dahil sa pagtangging sagutin ang tanong ng mga senador ukol sa hinihinalang pagkamatay sa fraternity hazing ng freshman law student ng University of Sto. Tomas (UST) na si Horatio “Atio” Castillo.

Ayon kay Zubiri, maliwanag sa mga pulyetos at iba pang dokumento na si Balag ang lider ng fraternity pero duwag at ayaw umamin sa responsibilidad.

“Mabulok siya doon. Dahil unang-una, masyado siyang duwag. Ayaw niyang aminin na siya yung leader ng fraternity. Tama yung sinabi ni Senator Grace Poe na anong klaseng leader ito na he doesn’t man up!” diin ni Zubiri.

Sa pagdinig ng Senado noong Oktubre 16, nagsangkalan si Balag ng kaniyang karapatang manahimik nung tanungin kung siya ang lider ng Aegis Juris.

Dahil dito kaya nagalit ang mga senador at nagbanta na ipakukulong ito kahit sa Pasay City Jail.

Pag-uusapan umano kung pakakawalan na ito o mananatili sa detensyon ng Senado kapag nagdaos itong muli ng pagdinig.

“Ang mangyayari sa kaniya, siguro pagbalik naming after the (Undas) break before we can discuss the Atio case again. Mabubulok muna siya diyan sa Senado,” pahayag ni Zubiri.

“Let him feel and contemplate on his future lalong-lalo na sa ginawa nila kay Atio.” Dagdag ng senador.

Si Balag ay isa sa mga dinatnan diumano ng fraternity member din na si John Paul Solano sa fraternity library sa Dapitan, Maynila. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?