154

Mar 27, 2019 @ 13:37
By

Arroyo anti-poor, walang malasakit sa kalikasan – environment group

Tinawag ng grupong Alyansa Tigil-Mina (ATM) si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na anti-poor at walang malasakit sa kalikasan matapos nitong ihayag na dapat umanong itaguyod ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagmimina sa bansa.

Ayon kay Jaybee Garganera, national coordinator ng ATM, tanda ng kawalan ng malasakit sa kapakanan ng mga tao at kalikasan ang pahayag ni GMA dahil wala umano itong pakialam sa negatibong epekto ng pagmimina.

Sa halip na magsulong ng mapanirang industriya, mas dapat umanong payuhan ni GMA ang DENR na pagbutihin ang trabaho sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa kapaligiran.

Nakalulungkot at nakadidismaya aniya na hindi nakikita ng mambabatas ang negatibong dulot ng pagmimina sa mga komunidad at ang naiaambag nito sa pagbabago ng klima sa mundo dahil sa paniniwalang magiging malago ang ekonomiya ng bansa kung malakas ang mining industry.

“This attitude of Speaker Arroyo exposes her true agenda that is anti-poor and her narrow perspective that refuses to recognize the negative impacts of irresponsible mining,” ani Garganera.

Isinulong ni GMA ang pagpapatupad ng Philippine Mining Act of 1995 o RA 7942 noong isa pa siyang senador.

Nang maging Pangulo ng bansa, ipinatupad ni GMA ang Executive Order 270-A noong 2004 na nagpabilis sa pagsisimula ng operasyon ng 40 malalaking proyekto sa pagmimina.

Ayon sa ATM, ngayong naging House Speaker na si GMA ay plano naman umano nitong ipasa ang bersiyon ng Charter change at pederalismo na magpapalakas sa mining industry at magbibigay oportunidad sa mga banyagang nais magmay-ari ng mga lupain sa Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?