157

Oct 2, 2017 @ 19:22

Arrest warrant vs biyuda ni Enzo Pastor, tuloy na

Sinang-ayunan ng Court of Appeals (CA) ang inisyung warrant of arrest ng Quezon City Regional Trial Court laban sa asawa ng pinaslang na international race car driver na si Ferdinand “Enzo” Pastor noong 2014.

Sa isang resolusyon, ibinasura ng Seventh Division ng appellate court ang apela ni Delia Guerrero-Pastor na humihiling na ipatigil ang arrest warrant na inisyu laban sa kanya ng Quezon City RTC Branch 91 noong Marso 2015 dahil sa kawalan ng merito.

“Dalia failed to establish that she has a clear and unmistakable legal right which ought to be protected. She also failed to persuade us that there is extreme urgency for the relief,” bahagi ng desisyon ng appellate court.

Tumanggi naman ang CA na magpasya sa argumento ng biyuda na walang matibay na ebidensya ang prosekusyon bilang suporta sa kasong parricide laban sa kanya.

Pinatay si Pastor noong Hunyo 12, 2014 sa kanto ng Visayas at Congressional Avenues sa Quezon City habang pauwi mula sa isang sinalihang event sa Clark International Speedway sa Pampanga.

Sinampahan ng kasong paricide si Delia matapos ang isinagawang preliminary investigation ng Department of Justice (DoJ) kasama ang businessman na si Sandy de Guzman na umano’y utak ng krimen.
Ayon kay Tomas Pastor, ama ng biktima, matagal na umanong may relasyon ang kanyang manugang at si De Guzman.

Kabilang si Delia sa listahan ng International Criminal Police Organization (ICPO) na pinaghahanap ng batas dahil tatlong taon na itong nagtatago matapos siyang idawit sa krimen. (Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?