89

Sep 6, 2019 @ 18:19
By

Arrest warrant harapin! Joma Sison hinamon ng Palasyo na bumalik sa ‘Pinas

Hinamon ng Malacañang si Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chairman Jose Maria Sison na umuwi ng Pilipinas at harapin ang kasong isinampa laban sa kanya sa korte.

Kasunod ito ng inilabas na warrant of arrest ng Manila Regional Trial Court laban kay Sison at 37 iba pa kaugnay sa maramihang pagpatay sa Leyte na tinawag na “Inopacan masscre”.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na marapat lamang harapin ni Sison ang akusasyon laban sa kanya at maging matapang sa pagharap sa pagdinig ng korte.

“Mr. Sison should unchain himself from his exile and face the music. His illusive if not illusory dream of wresting political power from the present dispensation should give way to a principled and courageous stand to face trial,” ani Panelo.

Malaya aniyang makakauwi sa bansa si Sison para gamitin ang kanyang constitutional right at paghandaan ang kanyang depensa, at harapin ang mga nag-aakusa sa kanya.

Kaisa aniya ang Malacañang sa pamilya ng mga biktima sa paghahanap ng hustisya , kaya dapat lamang na maisilbi ang warrant of arrest alinsunod sa kautusan ng Hudikatura.

“We are one with the families and loved ones of the victims in calling for justice, the warrant of arrest shall be served as directed upon us by the judiciary,” dagdag pa ni Panelo.

Sinabi pa ng kalihim na gaya ng iba pang nakapending na kaso sa korte, inirerespeto ng Malacañang ang naging desisyon ni Manila RTC judge Thelma Bunyi-Medina na pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay Sison.

Ang Inopacan massacre ay itinuturing na mass purging noong 1980s kung saan nasa mahigit isang daang mga residente sa Leyte ang pinatay ng New Peoples Army dahil sa hinalang nakikipag-ugnayan ang mga ito sa militar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?