83

Oct 3, 2017 @ 11:38

Arraignment ni Kerwin Espinosa kinansela

Ipinagpaliban ng Manila Regional Trial Court ang pagbasa ng sakdal o arraignment laban kay Kerwin Espinosa, anak ng napaslang na si Albuera Mayor Rolando Espinosa, na kapwa nahaharap sa kaso ng bawal na droga.

Paliwanag ni Judge Silvino Pampilo Jr., ng RTC Branch 26, ang pagkansela sa arraignment ay dahil may lulutasin pang mga mosyon na naipasa sa kanyang sala mula sa sala ni Judge Carlos Arguelles ng Baybay Leyte RTC Branch 14, ang orihinal na hukuman na humawak ng kaso laban sa mag-amang Espinosa.

Sa pagdinig kanina, ibinasura ng hukom ang kaso ng illegal drugs laban kay dating Mayor Espinosa, alinsundo sa itinatakda ng Revised Penal Code na ang kaso laban sa isang akusado ay nababasura sa sandaling sumakabilang buhay ito.

Sa pagdinig kanina, binigyan ng limang araw ng hukom si Atty.Jonnah John Ungab, ang collaborating counsel ng depensa, na makapaghain ng motion to quash information na isinampa ng piskal laban sa kanyang kliyente na si Kerwin.

Binigyan din ng limang araw ang panig ng prosekusyon na makapaghain ng motion to amend information laban sa mag-amang Espinosa.

Kasabay nito, itinakda ni Judge Pampilo ang pagsalang sa arraignment sa batang Espinosa sa Oktubre 20.
Sa nasabing petsa reresolbahin na rin ang motion to quash o ang kahilingan ng panig ng depensa (Espinosa) na ibasura ang kaso dahil sa usapin ng hurisdiksiyon ng Baybay Leyte RTC.

Lulutasin din ni Judge Pampilo ang motion na inihain ng piskal sa sala ni Judge Arguelles na maamyendahan ang complaint o information na isinampa ng piskalya kaugnay sa apat na bilang ng kasong criminal laban kay Espinosa.

Si Espinosa ay ineskortan ng mga tauhan mula sa Intelligence Service Operations Group o ISOG ng Department of Justice (DOJ). (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?