55

Oct 26, 2017 @ 14:02

Arraignment ky PSC chair Ramirez, naudlot

Hindi natuloy ang nakatakdang pagbasa ng sakdal sa Sandiganbayan Sixth Division kay Philippine Sports Commission chairman William “Butch” Ramirez.

Nahaharap si Ramirez sa kasong paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Kapwa-akusado nito si Ma. Flordeliza Angel, presidente ng Excelguard Security and Research Services, Inc.

Napag-alaman sa abogado nitong si Atty. Willie Rivera na bumiyahe si Ramirez sa Davao City alinsunod sa utos ng Malakanyang.

Sinabi ni Rivera sa anti-graft court Sixth Division na pumirma si Ramirez sa memorandum of agreement sa isang US-based organization para sa donasyong sports equipment sa Pilipinas.

Pinayagan ni Division chairperson Associate Justice Sara Jane Fernandez na ipagpaliban ang arraignment pero nagbabala ito na kung mabibigo pa rin ang opisyal na dumalo sa susunod na hearing ay babawiin na ang piyansa nito.

“We will reset it this time. But if the accused does not appear we would order the withdrawal of his bond,” sabi ni Fernandez.

Muling itinakda ang pagbasa ng sakdal sa November 9.

Nag-ugat ang kaso ni Ramirez sa umano’y pakikipagsabwatan kay Angel noong 2008 para sa pagkuha ng 95 guwardiya bilang karagdagan sa 108 sekyu na hindi otorisado ng PSC board at hindi dumaan sa public bidding.

Si Ramirez, kasama sina dating Philippine Amusement and Gaming Corporation chairman Efraim Genuino at 6 na iba pa ay nahaharap rin sa hiwalay pang dalawang kasong graft na may kaugnayan naman sa umano’y maanomalyang pagpapalabas ng P37 million para sa pagsasanay ng swimmers na lumahok sa 2012 Olympics. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?