17

Jul 21, 2021 @ 15:44
By

Arraignment ‘di dinaluhan! ‘Bikoy’ pinaaresto

Ipinaaaresto ng isang korte sa Maynila si Peter Joemel Advincula, o mas kilala sa alyas na ‘Bikoy’ matapos umano itong hindi dumalo sa arraignment ng kanyang kasong perjury nitong Miyerkoles ng umaga.

Dahil din sa kanyang ‘di pagdalo ay pinawalang-bisa ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 17 ang kanyang piyansa sa naturang kaso.

“In view of the failure of the accused to appear in today’s hearing despite notice and upon motions of both the private prosecutor and public prosecutor, let the cash bail posted by accused Peter Joemel Advincula be forfeited and confiscated in favor of the government,” saad sa isang pahinang order ni Judge Karla Funtilan-Abugan ng nasabing korte.

“Issue a warrant of arrest against him with bail set at double the amount of the previous bail posted by the accused,” dagdag pa nito.

Si Bikoy ay nasasakdal sa kasong perjury na isinampa nina Chel Diokno, Erin Tañada at dating Supreme Court spokesperson Theodore Te, dahil sa pagdawit umano sa kanila ni Bikoy sa planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte, na tinaguriang Project Sodoma.

Unang lumantad si Bikoy bilang taga-lait ni Duterte, partikular na ang pagdadawit sa pangulo sa iligal na droga sa pamamagitan ng mga viral video.

Ngunit sumuko ito sa pulisya at sinabing sina Diokno, Tañada at Te ang mga nagbibigay sa kanya ng suporta pati ng pera para siraan ang pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?