74

Jan 22, 2021 @ 20:08
By

Arjo Atayde target maging QC congressman

Ilang celebrity ang napaulat na nagpaplano nang pasukin ang mundo ng politika matapos hindi ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN noong nakaraang taon.

Ayon sa report ng Politiko noong Jan. 20, isa sa mga gustong tumakbo sa nalalapit na eleksyon ang nobyo ni Maine Mendoza na si Arjo Atayde, 30.

Target umano ni Atayde na maging kinatawan ng 5th District ng Quezon City dahil nakatanaw ang kasalukuyang congressman nito na si Alfred Vargas sa ibang posisyon sa 2022 polls.

Bukod doon ay maaabot na ni Vargas ang maximum na tatlong taong term limit para sa isang district legislator sa susunod na taon.

Sinabi pa ng congressional insiders ng Politiko, na tatakbo si Atayde sa ilalim ng partido nina incumbent QC Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto.

Subalit hindi magiging madali ang mithiin ni Atayde na maging QC 5th District representative dahil target din umano ng kapatid ni Alfred na si incumbent 5th District Councilor Patrick Michael “PM” Vargas ang naturang posisyon.

Bago nito ay magbabase muna ang kampo ni Atayde sa mga survey result sa kalagitnaan ng 2021 at kung hindi ito pumabor sa Kapamilya actor ay “Plan B” niyang tumakbo na lamang sa pagka-konsehal ng 3rd District ng QC.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?