99

Jan 3, 2018 @ 11:43
By

Areglo sa Marcos wealth labag sa Konstitusyon – Pangilinan

Lalabag ang Duterte administration sa Konstitusyon kapag pumayag ito sa mungkahing compromise agreement ukol sa nakaw na yaman ng mga Marcos.

Ayob kay Senador Kiko Pangilinan, batay sa Saligang Batas, dapat bawiin ng gobyerno ang mga salaping ninakaw dito at panagutin ang mga mapapatunayang nagnakaw.

Hindi rin umano maaring payagan ang diumano ay nagnakaw na makinabang pa sa salapi at makakaligtas pa sa mga kasong kriminal.

“Kontra sa saligang batas ang anumang compromoise agreement sa mga Marcos. Ang nakaw na yaman dapat isoli o kumpisahin ng gobyerno,” diin ni Pangilinan.

“Hindi dapat payagang magpakasasa ang mga magnanakaw at corrupt sa kanilang mga ninakaw sa taumbayan,” dagdag nito.

Tugon ito ng senador sa mungkahing compromise agreement na isinumite ni Atty. Oliver Lozano sa tanggapan ni Presidential chief legal counsel Salvador Panelo.

Sina Lozano at Panelo ay kapwa naging abogado ng mga Marcos at kabilang sa mga binansagang Marcos loyalists.

Tinanggap ni Panelo ang mungkahi ni Lozano pero diumano ay hindi pa niya iyon inaaksyunan.

Niliwanag naman ni dating Senador Ferdinand “bongbong” Marcos Jr. na hindi nila otorisado ang mga ginawa ni Lozano at hindi rin nila ito kinuha para ikatawan ang pamilya Marcos maging ang estate ng yumaong ama. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?