1,012

By

Archie Gamboa, bagong PNP chief

Itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang permanenteng hepe ng Philippine National Police (PNP) si Lt. General Archie Gamboa.

Ang  anunsiyo ay ginawa  ng  Pangulo sa  kanyang  pagdalo sa pagtitipon ng  The  Fraternal Order of Eagles sa SMX Convention Center sa  Davao City nitong  Biyernes  ng  gabi.

Sa pagsisimula  ng  kanyang  talumpati, sinorpresa  ng  Pangulo si Gamboa matapos sabihing  gagawin na  siyang  regular chief  ng  PNP.

Umani ng  palakpak ang  anunsiyo  ng  Pangulo kay Gamboa  na  siyang  kasalukuyang  officer-in-charge  ng  PNP.

Sinabi ng  Pangulo na  magkakaroon sila  ng  mahabang  pag-uusap ni Gamboa  kasama si DILG Secretary Eduardo  Año .

Sinabi ng  Pangulo na  ipinakita  ni Gamboa  ang   sinseridad nito  at  binilinan  ang  opisyal na  magpakita  ng  aksiyon na   hindi makakalimutan  ng mga  Pilipino.

“The PNP chief, ah… I’m going  to appoint you as the  regular  PNP. But  you and I, and  Secretary Año will have a long, long  talk first. Ipinakita  mo sa  akin ‘yung sincerity mo I’d  like  you to leave  something   that you will be  remembered  by the  country,” anang  Pangulo.

Si Gamboa ay  naging  OIC ng  PNP sa  loob  ng  tatlong  buwan  matapos  mag-resign sa  puwesto si dating  PNP Chief  Oscar  Albayalde na  isinagkot sa  operasyon ng  sindikato ng  “ninja cops”.

Naunang  inihayag  ng Presidente  na  magtatalaga  lamang  siya  ng  bagong hepe ng  PNP sa  sandaling  malinis na ang  hanay  ng  pulisya  laban sa  mga  police  scalawag.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?