26

Sep 24, 2017 @ 16:57

Archers luhod sa Maroons

Pininturahan ng napakalaking upset ng University of the Philippines ang Mall of Asia Arena kahapon nang hiyain ang defending champion De La Salle University 98-87.

Kinolekta ng mga taga-Katipunan ang pangatlong panalo sa apat na laro UAAP Season 80 men’s basketball, binalian ng tatlong sunod na panalo ang mga taga-Taft.

Nagsalansan ng dambuhalang 30 points si Paul Desiderio, inari ang lima sa 16 na 3-pointers na ipinaulan ng Maroons.

“Malaking panalo ‘to,” bulalas ni UP coach Bo Perasol.

Nambarako pa rin si big man Ben Mbala, tumapos ng 34 points pero hindi nagawang isalba ang Green Archers.

Sa first game, nagtulungan sa opensa sina Arvin Tolentino at Ron Dennison para itaguyod ang FEU sa 78-65 panalo laban sa UST.

Nilista ng Tamaraws ang 2-2 karta, sabay sa pagbaon sa Tigers sa 0-4.

Tumikada si Tolentino ng back-to-back treys para pamunuan ang 14-0 run ng Tamaraws na naglayo sa kanila sa bukana ng fourth.

Tumapos si Tolentino ng 15 points, 10 rebounds at two steals, may 15 markers din si Dennison.

Pagkatapos ng laro, nakahinga ng maluwag si Tamaraws coach Olsen Racela.

“Hindi ko alam na ganito pala sa UAAP, it’s hard to get wins,” aniya.

Nagtala si Jeepy Faundo ng 16 markers at 11 rebounds sa UST. (Elech Dawa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?