79
Archdiocese ng Cebu nanalangin para sa ulan dahil sa El Niño
Apr 4, 2019 @ 15:02
By

Archdiocese ng Cebu nanalangin para sa ulan dahil sa El Niño

Naglabas ng Oratio Imperata o panalangin para sa ulan ang Archdiocese ng Cebu sa gitna ng tumitinding epekto ng El Niño phenomenon.

Ayon kay Cebu Archbishop Jose Palma, dadasalin sa lahat ng simbahan ng arkidiyosesis ang nasabing panalangin.

Ang Oratio Imperata ay isang panalangin na binuo ng isang obispo kapag may kalamidad.

Inilabas ito ilang araw matapos isailalim ang buong lalawigan ng Cebu sa state of calamity dahil sa El Niño na sumira sa mga pananim at nagdudulot ng kakulangan sa suplay ng tubig.

Samantala, tinatapos na ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang validation para sa mga pinakaapektadong lugar ng tagtuyot sa lalawigan.

Nauna nang hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang buong arkidiyosis na isama sa Panalangin ng Bayan sa bawat Misa na ipagkaloob ng Panginoon ang biyaya ng ulan na kailangan ng bansa sa gitna ng krisis sa kakulangan ng tubig.

Sa circular letter na nilagdaan ni Cardinal Tagle para sa mga rector, parish priest, chaplain, religious communities at mga head ng secular institute ng Archdiocese of Manila, inanyayahan niya ang mga ito na magkaisa sa pananalangin para sa ulan na kailangan na dulot ng tagtuyot.

Paliwanag ni Cardinal Tagle, tanging ang Diyos ang makatutugon sa kinakaharap na krisis sa tubig ng bansa na tinukoy ng mga eksperto na mild El Niño sa pamamagitan ng pananalangin.

Kaakibat ng kautusan ang isang panalangin para sa ulan na babasahin sa Prayer of the Faithful sa pang-araw-araw na misa at sa misa ng linggo sa lahat ng parokya.

Hinimok din ni Cardinal Tagle ang lahat na gamitin ng tama ang tubig at kuryente upang hindi na makadagdag sa lumalalang problema.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?