113

Dec 1, 2017 @ 9:57
By

Archbishop Valles, uupo na bilang bagong CBCP head

Magsisimula nang manungkulan ngayon, Disyembre 1, ang mga bagong pinuno ng maimpluwensyang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Si Davao Archbishop Romulo Valles ang magsisilbi nang pangulo ng samahan ng mga Katolikong Obispo, kapalit ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas.

Kaugnay nito, may paalala si Villegas sa mga bagong pinuno ng CBCP.

Aniya, ang tagumpay ng isang pinuno ay nakasalalay sa awa ng Panginoon.

Naniniwala si Villegas na hindi nakabatay sa karanasan o tagal sa posisyon ang pagsisilbi sa CBCP dahil ang pamumuno sa samahan ay nakasentro sa paggabay at grasya na ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat mamumuno.

“Ang pagiging officer ng CBCP ay hindi nakasalalay sa experience. Ito ay nakasalalay sa awa ng Diyos at alam na alam ko na ‘yung Espiritu Santo na ibinigay sa kanila nang sila ay maging Obispo, ‘yun din ang Espiritu Santo na gagabay sa kanilang paglilingkod sa CBCP,” turan ni Villegas.

Kumpyansa naman si Villegas na buong pusong gagampanan ni Valles ang kanyang tungkulin bilang ika-20 pinuno ng CBCP.

Samantala, magiging bagong bise presidente ng CBCP si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David; treasurer naman si Palo Archbishop John Du habang secretary general si Father Melvin Mejia.

Mayroon ding hinirang na mga regional representatives para sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Nahalal ang mga bagong pinuno ng kapulungan ng mga Katolikong Obispo sa kanilang plenary assembly noong Hulyo 2017. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?