116

By

Aquino, Trillanes humirit ng Senate hearing sa WPS militarization

Sharing is caring!

Iginiit nina Senador Bam Aquino at Senador Antonio Trillanes IV na kumilos at magsalita ang Senado ukol sa militarisasyon ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Idiniin ng dalawang senador na nakababahala na ang ginagawa ng China na una ay nagtayo ng mga istruktura sa tinambakan (reclaimed) nilang mga bahura, sinundan ng pagpapasok ng missile system at ngayon ay nagpalapag doon ng bomber planes.

Kaugnay nito, inihain ni Aquino ang Senate Resolution No. 723 at kay Trillanes ang Senate Resolution No. 722 kung saan layong magpatawag ang Senado ng mga pagdinig para malaman ang tunay na sitwasyon sa WPS.

Layon din sa pagdinig na mabigyang-diin na ipinaglalaban ng pamahalaang Pilipinas ang teritoryo at kasarinlan nito sa diplomatikong pamamaraan.

Gusto ring mabigyang diin sa mga pagdinig ng Senado na dapat ipaglaban ng administrasyon ang pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitration case kontra sa China at maipunto rin ang pangangailangan ng tulong dito ng America, Japan, Australia at mga bansang ASEAN na itinuturing na regional partners ng Pilipinas.

Ang mga resolusyon nina Aquino at Trillanes ay ipinasa sa Senate committee on foreign relations na pinamumunuan ni Senadora Loren Legarda at sa Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Senador Gregorio Honasan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?