199
tnt_gordon
Dec 4, 2017 @ 17:57
By

Aquino, Garin mananagot sa anti-dengue vaccine – Gordon

Maaring sampahan ng kasong kriminal si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino gayundin ang mga dating kalihim ng Department of Health (DOH) dahil ipinatuloy ang paggamit ng anti-dengue vaccine kahit hindi garantisadong ligtas habang maari naman umanong sampahan ng kasong sibil ang kumpanyang Sanofi Pasteur.

Sinabi ito ni Senador Richard Gordon, chairman ng Senate blue ribbon committee na minsan nang nagpatawag ng pagdinig ukol sa umano ay panganib sa mga batang hindi pa nagkakasakit ng dengue ng bakunang Dengvaxia ng pharmaceutical company na Sanofi.

Ayon kay Gordon, maaring may “negligence” o kapabayaan si Aquino bukod sa marami itong dapat ipaliwanag dahil sa dalawang beses na pakikipagpulong sa mga opisyal ng kumpanyang Sanofi Pastuer.

Sa kaniyang impormasyon, dahil sa dalawang beses na pulong ni Aquino sa Sanofi, bumilis ang mga transaksiyon na nauwi sa pagbili ng Aquino administration ng mga bakuna kontra dengue kahit pa mayroong isyu rito.

Halata aniyang minadali ang bilihan ng bakuna dahil mag-eeleksyon. Disyembre 29, 2015 nung lumabas ang SARO buhat sa department of budget and management.

Nang tanungin kung minadali para makapagpapogi o makakuha ng pondo para sa eleksyon, “so far” ang tugon ni Gordon.

“PNoy (Aquino) has to explain eh. Dapat siya mag-explain siya na hindi ko alam yan. Oo, dalawang beses eh. Saan ka makakita ng presidente, dalawang beses makipag-meeting Sanofi. Saka everytime makipag-usap, bumibilis (ang transaksyon),” sabi ni Gordon.

Bukod kay Aquino, sinabi ni Gordon na kasamang dapat pagpaliwanagin at maari ring masampahan ng kasong kriminal sina dating Health Secretary Janet Garin at dating Health Secretary Paulyn Ubial dahil sa kabila ng mga babala na maaring makasama ang Dengvaxia sa hindi pa nagkaka-dengue, itinuloy pa rin ang pagpapabakuna nito sa mga bata.

Kasong sibil naman umano ang maaring isampa laban sa kumpanyang Sanofi para pagbayarin ito ng danyos sa mga magulang na nababalisa at hindi mapagkatulog dahil sa pangamba na nanganganib ang mga anak dahil sa bakuna.

Dapat din aniya ipasoli sa Sanofi ang ibinayad ng gobyerno at pagbayarin din para sa pagmomonitor ng kalusugan at pagpapagamot sa magkakasakit nang dahil sa bakuna.

Kaugnay nito , itinakda ni Godon ang pagdinig ng Blue ribbon committee ukol sa Dengvaxia sa Lunes, December 11.
(Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?