54
dick-gordon
Dec 11, 2017 @ 21:42
By

Aquino dapat humarap sa Dengvaxia probe – Gordon

Kailangan nang humarap ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa pagdinig ng Senado ukol sa kontrobersyal na dengue vaccine program na inumpisahan nung administrasyon nito.

Ayon kay Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate blue ribbon committee, kailangang ipaliwanag ni Aquino ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur, manufacturer ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia, at ukol sa mabilisang pag-aprub ng P3 bilyon para rito noong Disyembre 2015.

Aalamin umano ni Gordon sa mga kapwa senador kung pabor silang ipatawag si Aquino.

Pero imbitahin o hindi, sana aniya ay magkusa si Aquino.

“I’ll talk to the others and see whether we should pero if I were him, I will go. Mas maganda maipaliwanag nya ang side nya,” ayon kay Gordon.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ng isang opisyal ng Department of Budget and Management na nag-isyu ng executive order si Aquino, pirmado ni dating Executive Secretary Paquito, kung saan ibinigay ang permiso na gamitin ang P12 bilyon na savings ng ibat ibang ahensya ng gobyerno na napunta sa miscellaneous and personel benefit fund.

Sa halagang iyon na ipinalabas noong Disyembre 2015, nanggaling ang P3 bilyon para pagbili sa ng bakuna.

Ayon kay Gordon, kitang-kita sa mga pangyayari na inapura ang dengue vaccine program at ang pagbili ng bakuna.

Maari umanong dahil ito sa katiwalian at maaring dahil sa pamumulitika noon dahil mag-eeleksyon noong Mayo 2016.

“Corruption, yes, yan yung maximum or namumulitika,” ayon kay Gordon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?