19
ABANTE MARVIC LEONEN APPOINTEE SC
By

Aquino appointee hahawak sa kaso ng Dengvaxia sa Korte Suprema

Sharing is caring!

Mayroon nang naatasang mahistrado ng Korte Suprema na hahawak sa kaso ng Dengvaxia na inihain ng mga magulang at kaanak ng ilang mga batang naturukan ng anti-dengue vaccine.

Sa isinagawang raffle sa Korte Suprema, napunta ang kaso kay Associate Justice Marvic Leonen na mag-aaral at magsusumite ng rekomendasyon sa Supreme Court En Banc kaugnay sa petisyon.

Si Leonen ay itinalaga sa Korte Suprema ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na kasama sa mga nakakaladkad sa kontrobersiya ng Dengvaxia.

Nauna nang inamin ni Aquino sa imbestigasyon ng Senado na dalawang beses siyang nakipagkita sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng Dengvaxia, una ay noong November 2014 sa Beijing at ikalawa ay noong December 2015 sa Paris, France.

Sa pagbabalik ng Supreme Court En Banc session nitong January 10, 2018, iniutos nito sa mga respondent na magsumite ng kumento sa petisyon sa loob ng sampung araw.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina: Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque; Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones; Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Officer-in-Charge Catalino Cuy; DOH-National Center for Disease Prevention and Control Director Lyndon Lee Suy; at Food and Drug Administration (FDA) Director General Nela Charade Puno.

Nais ng mga petitioner na atasan ng Korte Suprema ang gobyerno na bigyan ng libre at pangmatagalang serbisyong medikal ang mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Giit nila, hindi sapat ang pagkakaloob ng “monetary reward” bilang kompensasyon sa danyos o pinsala na idinulot sa kanila ng kontrobersiyal na bakuna.

Hinihiling din nila na magsagawa ang DOH at DILG ng pauna at libreng konsultasyon sa mga batang nabakunahan sa bawat barangay kung saan naipatupad ang school-based immunization program; at magkaloob nang libreng medical treatment kasama na ang gamot at pagpapaospital sa mga nakabakunahang bata kung matutukoy na ang kanilang karamdaman ay kunektado sa Dengvaxia. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?