73

Dec 14, 2017 @ 14:48
By

Aquino admin dapat kasuhan dahil sa Dengvaxia – VACC

Iginiit ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na sampahan ng kasong katiwalian ang mga opisyal ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III dahil sa pagbili at pagpapaturok sa mga bata ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia ng Sanofi Pasteur.

Ayon kay Atty Ferdinand Topacio, legal counsel ng VACC, tiwali ang pagmamadali ng administrasyong Aquino na maglabas ng P3.5 bilyon para sa bakuna.

Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee katuwag ang Senate health committee, sinabi ni Topacio na hindi mapapabilis ang vaccination program kung walang permiso ni dating Pang. Benigno Aquino III.

“The purchase was done in undue and indecent haste,” ayon kay Topacio.

Pinuna na binili ang mga bakuna kahit hindi pa aprub na ibilang sa National Formulary o sa listahan ng gma gamot na dapat bilhin ng gobyerno.

Ginawan iyon ng exemption ng Formulary Executive Committee (FEC).

Habang sinasabi ito ni Topacio, nakamasid lang si Aquino.

Sinopla naman ni Drilon si Topacio at sinabing hindi ito dapat na naninira at hindi Senado ang lugar para ito mag-akusa ng katiwalian kundi dapat ay sa ibang lugar gaya sa Ombudsman.

Pinuna na napakadali para kay Topacio na manira ng tao at magsampa ng kasong plunder kahit walang batayan samantalang wala naman itong sinasabi ukol sa isyu sa bakuna.

“We have resource persons, this is an investigation in aid of legislation. With all due respect to attorney Topacio, he comes around with all kinds of charges, I have not heard him say anything about the issue of Sanofi having committed any indiscretion, etcera,” ayon kay Drilon.

Iginiit ni Drilon na patigilin na si Topacio sa pagsasalita dahil hindi naman pinahihinulutan ang mga legal counsel na lumahok sa mga pagdinig ng Senado pero pinayagan ito ni Senador Richard Gordon na chairman ng Blue Ribbon committee. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?