34
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan

Aprub na mga mungkahi nating ibaba sa P4.50 ang SSB tax

Sharing is caring!

Ni Senador JV Ejercito

APRUBADO na ng Senado ang ating mungkahi na P4.50 lamang ang idaragdag na buwis sa bawat litro ng soft drinks, iced tea, at iba pang ready-to-drink juice na kabilang sa mga itinuturing na Sugar Sweetened Beverages o SSB.

Magandang kompromiso ito laluna’t ang unang nakapaloob sa mungkahi ng Kongreso ay karagdagang P10 agad para sa bawat litrong inumin.

Dahil P4.50 na lamang ang idaragdag na buwis sa SSB, bahagya lamang ang itataas sa presyo ng mga inumin – P13.50 sa bawat 1-litrong sachet ng powdered juice at iced tea; P20.50 sa bawat litro para sa soft drinks; at P24.50 para sa mga ready-to-drink juices kada litro.

Sa totoo lamang, ayaw nating madaragdagan ang buwis ng SSB dahil ito ang isa sa mga pangunahin at araw-araw na pinaggagastusan ng mga consumer at mahihirap na Pilipino.

Ngunit masaya naman tayo dahil kahit papaano, naibaba natin sa P4.50 ang masyadong mataas na P10 karagdagang buwis para sa SSB. Masaya rin tayo na sa hinaba-haba ng debate, hindi na rin isinama sa SSB tax ang 3-in-1 coffee! Yon!

Isa ang SSB sa mga kontrobersiyal at sensitibong probisyon dahil inaasahan na magiging mabigat ito sa 1.3-milyon nating maliliit na negosyanteng nagbebenta ng SSB sa sari-sari store, at ang mga nagbebenta sa kani-kanilang carinderia, at ang mga naglalako sa kalsada.

Bukod riyan, ayon sa ating nakalap na pag-aaral, umaabot sa 80% ng mahihirap mula sa class D at E sa Pilipinas ay araw-araw na kumokonsumo ng soft drinks, iced tea, at mga ready-to-drink juices.

Iniisip lamang natin ang kapakanan ng parehong consumer at negosyante sa usapin ng SSB tax.

Magandang kompromiso ito dahil kahit tataas ang buwis sa ilang produkto at serbisyo sa bansa, ay ramdam pa rin ng mamamayan ang ginhawa na ating itinutulak para sa bayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?