4,019

Jun 21, 2020 @ 10:27

Aprub na first lady ng Pasig: #BeVico nagpakilig sa mga fan

Sa wakas, nagkita at nagkakilala na sina Bea Alonzo at Pasig Mayor Vico Sotto. Personal ngang ibinigay ng Kapamilya actress ang mga donasyon na relief bags, goods, disinfectants para sa mga frontliner ng Pasig at pati na rin regalo para sa mga tatay na street sweeper at garbage collector.

Pinoste ni Bea ang ilang larawan nila ni Mayor Vico kasama ang ilan sa kanyang mga staff mula sa itinayo nilang foundation, ang I Am Hope.

Parehong naka-facemask sina Bea at Mayor Vico. Meron ding social distancing sa pagitan nila.

Sa caption ni Bea, binanggit niya ang kanyang ina, na tila paborito si Mayor Vico.

“Hi Mama! Nakilala ko na ang paborito mo! Joke! Team I AM HOPE went to Pasig this afternoon to turnover relief bags and disinfectants for the frontliners…” sabi ni Bea.

Bukod kay Mayor Vico, pinasalamatan din ni Bea si Cong. Roman Romulo sa meet and greet na iyon.

Ayon kay Bea, sinadya niyang pumunta sa Pasig para pahalagahan din ang Father’s day sa mga tatay na nagwawalis sa kalsada at mga nangongolekta ng mga basura.

Siyempre, dahil parehong binata at dalaga naman sina Bea at Mayor Vico, hindi naiwasang tuksuhin sila ng kanilang mga follower, at nangunguna na nga ang kaibigan nitong aktor na si Janus del Prado.

Ipinauso ni Janus sa kanyang comment ang team-up nina Bea at Vico, at tinawag nya itong “BeVico”, na pag binilisan mo ang pagbigkas lalabas na “bebeko”.

Dala marahil ng hiya, tumawa lang si Bea sa pang-aalaska ni Janus.

At siyempre, nagsunud-sunod na ang pagsang-ayon ng netizen na puwedeng magkaroon ng relasyon sina Bea at Vico.

Marami nga ang kinilig sa #BeVico, lalo na ang mga kaibigan ni Bea. (Rey Pumaloy)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?