255

Nov 3, 2017 @ 18:56

Appliances na bitbit ng mga sundalo, hindi nakaw – AFP

Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines na hindi nakaw ang mga appliances na isinakay sa military trucks kasama ng mga sundalong umalis sa Marawi City.

Sinabi kahapon ni AFP Spokesman Major general Restituto Padilla sa Bangon Marawi hour sa Malacanang na hindi “looted” items ang mga kumakalat sa social media na lulan ng military trucks.

Ayon kay Padilla, dala ito ng mga tropa ng militar na nagtagal sa Marawi City o yung tinatawag na “rear support echelons” .

Dapat aniyang maging sensitibo ang netizens sa kanilang mga puna at alamin muna kung may batayan ang mga pinaiikot na mga balita sa social media.

Kung gusto aniyang ma-check ang mga ito ay makikitang mayroong sticker na nakasulat ang “government property” sa mga lutuan, refrigerator, freezers, cot beds at electric fans at hindi ito mula sa mga kabahayan sa Marawi City.

“So these are not looted items but possessions of the unit who have been detailed to the area. And now that they are returning back to their stations, of course, they need to bring them back. They are possessed by these units,” sabi ni Padilla.

“So kung gustong checkin (check) po ng ating mga kababayan ito, ‘yan po ay may mga label, o may mga sticker na nakalagay “government property” at nasa property books po ng ating mga units ‘yan,” dagdag pa nito.

Nakiusap si Padilla sa mga netizens na huwag paniwalaan ang mga paninirang ikinakalat ng mga grupong may malisyosong pag-iisip dahil napakalaki ng naging sakripisyo ng mga sundalo para mag-isip pa na magnakaw habang nasa bingit ng pakikipagbakbakan sa mga terorista. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?