170

Dec 6, 2017 @ 17:52
By

Apolinario bilang susunod na PNP chief, ‘di pa pinal – spokesman

Hindi pa official statement ng Philippine National Police (PNP) ang lumabas na ulat na si Police Deputy Director General Ramon Apolinario ang uupo bilang susunod na PNP chief.

Ito ay dahil sa inaasahang pagreretiro sa serbisyo si PNP Chief Ronald dela Rosa sa buwan ng Enero sa susunod na taon.

Si Apolinario ay number 2 man ng PNP.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. Dionardo Carlos, biro lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-introduce kay Apolinario bilang susunod na PNP chief sa isinagawang command conference kahapon sa Malacañang at hindi dapat na seryosohin.

Sa ngayon ay mas maigi aniyang hintayin na lamang ang official announcement ng Malacañang para rito.

“Again if there will be an announcement, the official announcement will come from Malacañang,” sabi ni Carlos.

Lumabas ang ulat na ito matapos banggitin ni Supt. Ercy Nanette Tomas, legal officer ng PNP Center for Police Strategic Management, sa ginanap na 3rd PNP National Advisory Council Summit na inanunsiyo na umano ni Pangulong Duterte na si Apolinario na ang susunod na hepe ng Pambansang Pulisya.

Sinabi pa ni Carlos na sa ngayon ang pinanghahawakan lamang nila ay ang una nang mga pahayag ng Pangulo na nais niyang maging PNP chief kapalit ni Bato ay isa kina Apolinario at Directorate for Personnel Record and Management Chief Police Director Rene Aspera.

Tumatayong officer in charge sa ngayon si Apolinario habang nasa ibang bansa si Dela Rosa para sa official business. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?