136

Nov 5, 2017 @ 19:21

Apela ni De Lima sa SC, sinuportahan ng opposition senators

Umaasa ang Senate minority bloc na kakatigan ng Korte Suprema ang motion for reconsideration na inihain ni Senadora Leila de Lima kung saan hinihiling nito na ibasura ang warrant of arrest na inisyu ng Muntinlupa Regional Trial Court.

Sa joint statement nina Sen. Francis Pangilinan, Sen. Bam Aquino, Sen. Risa Hontiveros at Sen. Antonio Trillanes, sinabing dapat suportahan at paboran ang hiling ni De Lima dahil imbento lamang ang pinagbatayan ng drug cases laban dito.

Una nang ibinasura ng Korte Suprema ang hiling ni De Lima na utusan ang Muntinlupa RTC na itigil ang paglilitis laban sa kanya at bawiin ang warrant of arrest na inisyu laban sa senadora.

Bunsod nito kaya nahain ito ng motiron for reconsideration.

“There is a well-founded reason to hear and grant the motion, especially since the 9-6 voting of the magistrates manifests not only the absence of a consensus, but a sharp division among the members of the high court on the nature of the crime,” pahayag ng apat na senador mula sa minority bloc sa kanilang joint statement.

“Dapat na muling pag-aralan ang kaso dahil kailangang may malawak na pagtingin dito na mas malaki pa sa di-makatarungang pagpapakulong sa isang masugid at maingay na kritiko ng Pangulo, kundi ang paglabag sa karapatang pantao at pagbale-wala sa mga batayang kalayaan — na maaaring mangyari kahit kanino,” dagdag nilang pahayag.

Muli, iginiit ng mga nabanggit na senador na ang pagpapakulong kay De Lima ay parusa dahil sa pagkontra nito sa Duterte administration

“Umaasa kami na ipapakita ng mga mahistrado na ang Korte Suprema ay nakahihigit sa pulitika at hindi papanig sa political persecution ng administrasyon,” ayon pa rin sa apat na senador. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?