16

Sep 14, 2021 @ 17:55
By

Apektado ng granular lockdown, tsitsa lang ayuda

Pagkain lang at walang ibibigay na perang ayuda sa mga mamamayan na maaapektuhan ng granular lockdown sa Metro Manila.

Ito ang nilinaw ng Malacañang at Metro Manila Development Authority (MMDA) kasunod ng pilot implementation ng granular lockdown sa Huwebes, August 16.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na napagkasunduan ng mga Metro Manila mayor at Department of Social Welfare and Development na food packs ang ibibigay sa mga maaapektuhan ng granular lockdown.

“Sang-ayon po sa shared responsibility na napagkasunduan ng mga mayor at DSWD, food po. Food supplies ang ipapamigay sa mga area na subject to granular lockdown,” ani Roque.

Sinang-ayunan naman ito ni MMDA Chairman Benhur Abalos na nagsabing sa unang linggo ng lockdown ang LGU ang sasagot sa food packs at sa ikalawang linggo ay ang DSWD na ang mamimigay ng pagkain.

Sinabi ni Abalos na sa kasalukuyan ay tinatayang nasa dalawa hanggang tatlong libong pamilya ang naka-lockdown ngayon sa Metro Manila dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.

“Ganoon ang gagawin namin, sharing with the granular lockdowns. And as of now, siguro between 2,000 to 3,000 families at any given time ang naka-lockdown dito sa Metro Manila, more or less,” ani Abalos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?