By

Anti-red tape sa power sector, aprub na sa Senado

Sharing is caring!

Pasado na sa Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na magpapabilis sa pag-aprub ng aplikasyon ng mga gustong magnegosyo sa sektor ng enerhiya gaya ng mga magtatayo ng planta ng kuryente.

Ito ang Senate Bill No. 1439 o Energy Virtual One Stop Shop bill na inakda nina Senator Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on energy, at Senator Juan Miguel Zubiri.

Nakakuha ito ng 13 botong pabor, isang tutol, walang abstention.

Ayon kay Gatchalian, sa panukala, magkakaroon ng online system kung saan ipadadala ang lahat ng impormasyon at requirements ng mga nag-apply para sa pagtatayo ng power generation projects.

Kailangan iyong aksiyunan ng Department of Energy sa loob ng 60 araw habang 90 araw ang ibibigay sa Department of Agrarian Reform (DAR) at 75 araw sa Department of Natural Resources (DENR).

Kapag hindi inaksiyunan ang aplikasyon, ituturing iyon na pag-aprub sa aplikasyon.

Bibigyan naman ng 30 araw ang opisyal o kawani g ahensya ng gobyerno na hindi makakasunod sa time frame at maari rin silang masuspinde, masipa at madiskiwalipika sa gobyerno.

Ayon kay Gatchalian, babaguhin nito ang sistema ngayon kung saan 359 mula sa 74 na ahensya ng gobyerno ang dinadaanan ng mga aplikasyon para sa permiso na makapagpatakbo ng mga planta ng gobyerno.

Sa dami ngayon ng pumipirma at ng ahensyang kailangang daanan, inaabot ng 1,340 araw o tatlo’t kalahating taon para makumpleto ang dokumento ng mga gustong pumasok sa power industr.

Sa pagpapabilis ng proseso, umano’y mapapababa ang bayad sa kuryente ng hanggang P1 kada kilowatt hour.

“Based on my conversations with industry analysts and our own internal research, cutting down red tape could reduce consumer electricity prices by as much as P1 per KWH,” ayon kay Gatchalian.

Katumbas aniya ito ng kabuuang consumer savings na P55.2 bilyon kada taon o annual savings na P2,400 para sa bawat ordinaryong pamilya sa lungsod.

“An extra P2,400 can do a lot for a family. That is enough to buy a sack of rice with some extra cash to spend on tuition and school supplies for the children, healthcare, and other essentials,” sabi pa ni Gatchalian. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?