129

Feb 15, 2018 @ 12:19
By

Anti-Political Dynasty Bill inihain muli sa Senado

May sumusubok muli na maipasabatas ang pagbabawal sa political dynasty.

Inihain ni Senador Bam Aquino ang isang panukalang batas kung saan layong ipagbawal ang political dynasty o ang magkakamag-anak sa iba’t ibang pwesto sa gobyerno.

Sa Senate Bill No. 1688 ni Aquino, na buhat din sa isang political clan, ipagbabawal ang sabay-sabay na panunungkulan sa mga lalawigan, bayan at syudad ng magkakamag-anak na hanggang sa third degree ng consanguinity o affinity.

Kapag nakaupo sa national position, bawal humawak ng local position ang kaniyang kaanak sa lalawigan o syudad kung saan siya rehistradong botante.

Kapag naisabatas, ang pagbabawal ay para sa asawa, anak, apo, kapatid, tiyuhin o tiyahin, pamangkin, lolo at lola, gayundin ang mga nasa panig ng asawa o ang byenan, manugang, bayaw at hipag, apo, lolo at lola.

Sa umiiral na 1987 Konstitusyon, ipinagbabawal na ang political dynasty pero hindi naipatutupad dahil wala pang enabling law.

Ayon kay Aquino, ito ang dapat unahin bago paamyendahan ang konstitusyon para sa federalism na isinusulong ng Malacanang.

Kapag bawal ang dynasty, mas marami umano ang mahihikayat na kumandidato at maglingkod kaya mas maraming pagpipilian ang mga botante.

Tinukoy ni Aquino na batay sa pag-aaral, mula sa dynastic families ang 70% ng mga mambabatas, 85% ng governors, 66 percent ng mga mayor at 50% ng mga vice mayor sa labas ng Metro Manila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?