14

By

Anti-Hazing Law, dinagdagan ng pangil

Sharing is caring!

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11053 na nag-aamiyenda at nagpalakas sa Republic Act 8049 o ang batas na nagbabawal sa hazing at regulasyon ng initiation rites sa fraternities, sororities at iba pang organisasyon sa paaralan, kabilang na ang citizens military training at army military training.

Ang batas na tatawaging Anti-Hazing Act of 2018 ay nagtatakdang tanging initiation rites na hindi maituturing na hazing ang pinapayagan.

Nakapaloob sa batas na kailangang humingi ng permiso sa school authorities pitong araw bago ang initiation rites, at hindi dapat lumagpas ng tatlong araw ang gagawing initiation sa mga bagong miyembro ng fraternity, sorority o anumang organisasyon.

Inamiyendahan din sa bagong batas ang parusang ipapataw sa mga masasangkot sa hazing, depende sa kahihinatnan o pinsalang idinulot nito sa biktima.

Kapag nauwi sa pagkamatay, rape, sodomy, mutilation o pagkakaputol ng alinmang bahagi ng katawan ng biktima ang hazing, papatawan ng parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong at multang P3 milyon ang mapatutunayang direktang sangkot sa krimen.

Ang school authorities, kabilang ang faculty members, gayundin ang mga barangay, municipal o city officials ay pananagutin din bilang accomplice o kasabwat at mahaharap sa kasong administratibo lalo na kapag napatunayang pinayagan nila ang hazing ng fraternity, sorority o ibang organisasyon.

Pasok din ang mga nabanggit na opisyal kapag napatunayan na may alam sila sa mangyayaring hazing pero hindi sila gumawa ng aksyon para ito’y mapigilan at hindi iniulat sa mga alagad ng batas kahit wala namang peligro sa kanila o sa kanilang pamilya.

Papatawan din ang mga ito ng P1 milyon at ng reclusion temporal o hanggang 30 taong pagkakakulong.

Pinirmahan ni Pangulong Duterte ang batas noong Hunyo 29, 2018. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?