80
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
Nov 17, 2017 @ 9:39

Anti-drug war at anti-terrorism efforts, patok na usapin sa parliamentary visits sa France at UK

Nabigyan ng pagkakataon ang inyong lingkod na makasama sa Parliamentary visits na isinagawa ng Senado sa France noong Hunyo, at sa United Kingdom nitong nakaraang Oktubre. Layon ng parliamentary visit na mapalakas at magkaroon ng magandang relasyon ang bawat Kamara ng dalawang bansa.

Sa France ay nagkaroon ako ng pagkakataon na makaharap ang OFW leaders ng iba’t-ibang organisasyon. Nag-ayos ng isang forum si Ambassador Theresa Lazaro roon sa ating embahada. Naikwento ng ating ambassador na sa mga panahon na iyon, malamig ang pagtrato ng mga opisyales ng Frances sa ating embahada. Maging ang ating OFW leaders ay nakakaramdam nito, at madalas ay kinokonpronta sila ng mga Frances ukol sa mga isyu sa ating bansa, partikular na ang EJK at human rights.

Sa aking nakita ay ito ay nadagdagan at kinargahan na ng international media. Maaring may ilang mga pangyayari, ngunit iba talaga ang dating sa labas, na tila sobrang gulo at patuloy na dumadanak ang dugo sa ating mga lansangan. Nakwento rin ni Ambasador Lazaro na hindi sila kinakausap ng mga opisyal ng Ministry of Foreign Affairs sa France nooong mga panahon na iyon.

Umaasa tayo na sa pamamagitan ng parliamentary visits na kung saan sina Senate President Koko Pimentel at ilang Senador nakasama, ay makatulong na mabalik ang magagandang relasyon ng Pilipinas, France, at United Kingdom.

Nabigyan din tayo ng pagkakataon na mapaliwanag ang tunay na sitwasyon sa ating bansa. Lingid sa kanilang kaalaman, tunay na malala na ang problema ng droga sa Pilipinas at halos isa nang ‘narco state’ ang Pinas.

Sa aking parte ay ipinaliwanag ko na naging sentro ng international drug trade sa Asya ang Pilipinas sa dalawang rason: una ay tayo ay isang archipelago na napakaraming isla at panay karagatan ang ating bansa, kung kaya’t napakahirap at halos imposibleng mabantayan ang buong coastline nito. Pangalawa ay sa Asya, 2 bansa ang tinanggal na ang ‘death penalty’.

Halos lahat ng bansa sa Asya ay mayroon nang parusa ng kamatayan. Sa immigration arrival cards pa lamang ng mga bansang Singapore, Malaysia, Indonesia at iba pa ay may nakatatak na – “Death to all drug traffickers” na sa palagay ko ay nagsisilbing babala sa kung sino man ang nais mag-isip na magdala ng droga sa kanilang bansa.

Binigyang diin din naman naming mga Senador ang magandang relasyon ng France at Pilipinas, lalo na sa larangan ng ekonomiya. Ang ating trade relations ay hindi nila pwedeng isantabi. Akin din nabanggit na halos 70% ng mga sasakayang panghimpapawid sa ating bansa ay nagmula sa Airbus Industries sa kanilang bansa. Aktibo rin ang relasyon sa larangan ng kultura ng dalawang bansa.

Sa UK naman, dahil sa “BREXIT”, ay sabi nila na may mabubuksang mga oportunidad sa ibang bansa labas ng European Union. Ang ating mga produkto ay maaaring mabigyan ng pagkakataon na makapasok sa UK, at maging ang OFWs natin partikular na ang mga nurses, ay mas lalo pang maging prioridad.

Sa ngayon ay nabanggit ng halos lahat ng nakausap namin, maging ang Speaker ng House of Commons na ang UK, ay tinuturing na malaking tulong ang Filipino nurses at medical technologists sa kanilang NHS o National Health System. Walang biro ngunit, halos lahat ng nakaharap namin ay talagang nabanggit po ito, kung kaya’t nakaka ‘proud’ naman sa ating mga OFWs!

Bukod riyan, nagkaroon din kami ng oportunidad upang makaharap ang counterpart o mga mambabatas ng kani-kanilang bansa. Mahahabang usapan at pakikipagpalitan ng impormasyon ang naganap ukol sa kamara ng bawat bansa.

Ang isa pang napag-usapan ay ang terorismo. Parehong nagbibigay ng importansya ang France at UK sa isyu ng terorismo. Napag-usapan din na mahalaga na matulungan ng dalawang bansa ang Pilipinas na labanan ang terorismo. Ang pangyayari sa Marawi ay isang katibayan na tunay at andito na sa ating bansa ang terorismo.

Sana sa pamamagitan ng parliamentary visits ng Senado sa France at United Kingdom, ay mai-ayos muli ang magagandang relasyon ng ating mga bansa. Maganda ang kinilabasan nito at nagkaroon tayo ng paglilinaw ukol sa mga tunay na nangyayari sa ating bayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?