51

Oct 31, 2017 @ 18:20

Anti-drug campaign ni Duterte, suportado ng Japan

Nakakuha ng kakampi si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang anti-drug campaign sa katauhan ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa kabila ng mga batikos sa isyu ng extrajudicial killings sa bansa.

Sa naging pag-uusap ng dalawang lider sa Tokyo, Japan, tiniyak ni Abe ang patuloy na pagsuporta ng kanyang gobyerno sa hangarin ni Pangulong Duterte na maitatag ang lipunang umiiral ang batas at maayos na bansa.

Sinabi ni Abe, na kinikilala nito ang seryosong kampanya kontra iligal na droga sa Pilipinas at tutulong ang kanyang gobyerno para sa pagpapatupad ng medium at long term action plans para malabanan ang illegal drug trade sa bansa.

Binigyang-diin ni Abe na kakampi ng Pilipinas ang Japan sa paglaban sa mga banta sa rehiyong Asya katulad na lamang ng terorismo, maritime security at iba pa.

“With the view to supporting building of a society which respects law and order, we will steadily implement the medium to long term action plans related to illegal drugs counter measures and also as measures for maritime safety; and also terrorism and security measures we will proceed with cooperation to enhance coastal surveillance capacity building,” ani Abe.

Tiniyak din ng Prime Minister ang suporta para mapalakas ang pagbabantay ng mga awtoridad sa Sulu at Celebes seas at sa iba pang lugar sa rehiyon dahil sa banta ng mga bandido at piratang nambibiktima ng mga barkong dumadaan sa nabanggit na mga lugar. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?