87

Nov 2, 2017 @ 19:44

Anti-Deposit Health Law, hiniling na ipawalang-bisa sa SC

Dumulog sa Korte Suprema ang mga grupo ng mga pribadong ospital para hilingin na ideklarang unconstitutional ang bagong batas na nagpapataw ng mas mataas na parusa laban sa mga ospital na tumatangging magbigay ng emergency treatment sa mga pasyente na bigong magbayad ng deposit.

Partikular na hiniling ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) ang pagpapawalang bisa sa Republic Act (RA) No. 10932 o An Act Strengthening the Anti-Hospital Deposit Law by Increasing the Penalties for the Refusal of Hospitals and Medical Clinics to Administer Appropriate Initial Treatment and Support in Emergency or Serious Cases.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina Executive Secretary Salvador Medialdea at ang Department of Health (DOH).

Nilagdaan ni Pangulong Duterte bilang ganap na batas ang RA 10932 noong August 3, 2017.

Iginigiit ng mga petitioner na hindi makatwiran at labis-labis na mapanggipit ang itinakdang multa at parusa sa ilalim ng nasabing batas at ito ay maituturing nang pagkakait sa due process.

Partikular nilang tinukoy ang multa na aabot sa P1 million na anila’y hindi akma sa nagawang paglabag.

Ang itinatakda rin umanong prinsipyo na “presumption of liability” sa panig ng mga pagamutan ay taliwas sa “presumption of innocence” na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.

Hinihiling ng mga petitioner ang pagpapalabas ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction para mapigil ang pagpapatupad sa kinukwestiyong batas habang wala pang desisyon ang Korte Suprema. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?