By

Anti-dengue vaccination drive sa Makati, ipinatigil ni Mayor Abby

Sharing is caring!

Kaagad na iniutos ni Makati Mayor Abby Binay ang pagsuspinde sa isinasagawang anti-dengue vaccination drive para sa mga mag-aaral at kawani ng pamahalaang lungsod, matapos lumabas ang negatibong mga balita tungkol sa bakunang ipinamahagi ng Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan.

Inatasan din ng alkalde si Makati Health Department (MHD) officer in charge Dr. Bernard Sese na makipag-ugnayan sa DepEd Makati para sa pagmo-monitor sa kalagayan ng mga mag-aaral na nabakunahan na laban sa dengue.

Noong Agosto 14, inilunsad ng pamahalaang lungsod ang city-wide vaccination program laban sa dengue para sa mga batang may edad siyam hanggang 14-anyos.

Ginamit ng lungsod ang 65,000 units ng anti-dengue vaccine mula sa DOH na ginamit na sa mga estudyante sa elementarya at high school gayundin sa mga health center.

Ayon kay Dr. Sese, ang pagbabakuna sa mga paaralang hindi pa napuntahan ng MHD teams ay ipagpapaliban muna hanggang magpalabas ng kaukulang advisory ang DOH.

Nitong Miyerkoles, nagpalabas ang Sanofi Pasteur, manufacturer ng dengue vaccine na Dengvaxia, ng pahayag na nagsasabing maaaring mapanganib sa kalusugan ang naturang bakuna kapag naibigay sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asya na nag-apruba sa dengue vaccine para sa mamamayang edad siyam hanggang 45 taong gulang noong Disyembre 2015.

Samantala, nilinaw ng MHD na magpapatuloy pa rin ang vaccination drive laban sa Japanese Encephalitis o JE para sa mga kawani ng City Hall at mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.

Inilunsad nitong Lunes ang naturang programa na laan sa mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 6 sa mga public school, at sa mga kawani ng City Hall. Ito ang kauna-unahang public vaccination program laban sa JE. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?