35
ABANTE boc anti corruption lapena
Jan 10, 2018 @ 17:16
By

Anti-corruption unit, bubuuin sa BOC

Iniutos ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Isidro Lapeña ang pagbuo ng anti-corruption unit sa kawanihan na tinawag na Interim Internal Affairs and Integrity Unit (IIAIU).

Pangunahing mandato ng bagong buong tanggapan na mapigilan ang iligal na gawaing kinasasangkutan ng ilang mga opisyal at kawani sa BOC kabilang na ang pagkamal ng hindi maipaliwanag na yaman.

Layunin din ng IIAIU na patatagin ang pagdisiplina sa mga kawani ng BOC na nakakagawa ng paglabag at sumunod ang lahat sa umiiral na direktiba at panuntunan sa kawanihan.

Sa inilabas na memorandum ni Lapeña, kasama sa mga tungkulin ng bagong unit na mag-imbestiga ng mga reklamo laban sa mga kawani ng BOC, tumanggap at kumalap ng ebidensiya kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon at magsagawa ng motu proprio investigation o kusa nang siyasatin ang mga insidente kung saan nakompromiso ang mga ebidensiya sa pag-usig sa mga kaso ng smuggling habang nasa kustodiya ng BOC.

Tungkulin din ng IIAIU na magsagawa ng lifestyle check sa mga kawani, magsagawa ng pag-aaral at magrekomenda ng kaukulang reklamong kriminal laban dito at kung may sapat na ebidensiya at makipag-ugnayan at tumulong sa Office of the Ombudsman, National Anti-Corruption Commission ng Office of the President at Revenue Integrity Protection Service ng Department of Finance. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?