23
Antetokounmpo

Antetokounmpo nanguna sa East, Durant bida sa West sa NBA All-Star voting

Sharing is caring!

Nanguna si Giannis Antetokounmpo para sa East habang lider sa West si Kevin Durant sa NBA All-Star voting.

Ang pagkinang ni Antetokounmpo sa NBA season sa Milwaukee Bucks ang naghatid sa kanya para umakyat sa tuktok ng mga pinagbotohan ng mga fans na mapabilang sa 2018 All-Star, na inilabas ngayong Biyernes.

Napabilang na ng nakaraang taon na All-Star si Antetokounmpo pero dahil sa gilas na ipinakita nito ngayong season kung saan siya ang ikalawang leading scorer ng liga na nagtatala ng 29.1 points kada laro bukod pa sa pagpuwesto sa Top 20 sa rebounds, steals at blocks, nakahamig siya ng karamihan sa boto ng mga fans (863,416) sa unang sultada ng botohan, 12 araw mula nang magbukas ito.

Naungusan niya ng humigit-kumulang na 7,400 na boto si Cleveland Cavaliers star LeBron James sa Eastern Conference players habang pumangatlo lang si Boston Celtics guard Kyrie Irving (802,834).

Samantala sa panig ng Western Conference, abante naman si Golden State Warriors star Kevin Durant (767,402) sa kakampi niyang si Stephen Curry (735,115) sa boto ng fans. Pangatlo sa kanila si Houston Rockets guard James Harden (602,040).

Tatanghaling team captains ng East at West ang mangingibabaw sa botohan at siyang pipili ng mga kakampi niya mula sa mga pinagbotohan ding starters at reserves ng fans.

Ang susunod na round ng botohan ay sa Enero 11 na matatapos ng Enero 15. Iaanunsiyo ang starters at team captains sa Enero 18 habang sa Enero 25 ihahayag ang buong koponan na maglalaro sa All-Star na magaganap naman sa Pebrero 18 sa Los Angeles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?