153

By

Anong naging mali sa Team Pilipinas kontra Kazakhstan?

40 bahagdan ang lamang ng Pilipinas kontra sa Kazakhstan sa Fiba World ranking, ngunit iba ang naging resulta pagdating ng kanilang naging laban sa fifth window ng Asian World qualifiers.

Ang dating dominanteng Gilas kontra sa parehong roster ng Kazakhstan noong Asian Games 2018, 96-59, biglang nagkaiba ng posisyon ang dalawa ng bumalikwas ang mga Kazakhs na naitakas ang 92-88 win kontra Pilipinas sa sariling balwarte.

Ngunit saan ba nagkulang ang bagong bihis na koponan ni national team head coach Yeng Guiao sa kanilang naging duwelo kontra sa 70th ranked Kazakhstan?

Kung titingnan ang binuong lineup ng organisasyon, ito na marahil ang pinakamatangkad na roster na naipadala ng Pilipinas sa kahit anong Fiba-sanctioned tourney, bitbit ang mga tore na sina June Mar Fajardo, Greg Slaughter, Japeth Aguilar at JP Erram.

Ngunit tila wala itong naging epekto dahil nanaig pa rin ang Kazakhs pagdating sa rebounding, 37 laban sa 35 ng Gilas na tanging si Fajardo lang ang nasandigan sa kanyang 13 rebounds, ang sunod na pinakamarami na ay ang dalawang guwardiya na sina Scottie Thompson at Stanley Pringle na may tig-tatlo.

Isa pa sa posibleng naging problema ng Gilas ay ang kanilang depensa, tila nag-aamuyan pa ang koponan sa kanilang individual coverages kaya’t madalas ay madaling nakakukuha ng butas ang Kazakhs para sa walang bantay, na naging mitsa ng pag-init ng kanilang manlalaro na sina Alexandr Zhigulin at Anton Bykov.

Si Zhigulin ay nakapagbuslo ng anim na tres sa loob ng siyam na tira, wala rin itong namintis sa two-point area sa perpektong 4-of-4 shooting, samantalang si Bykov naman ay naminsala ng 20 puntos sa loob ng shaded lane.

Ilan pang mga kritisismo sa Team Pilipinas ay ang tila ang labis na pag-asa kay naturalized player Stanley Pringle sa dulo ng laban kung saan nakaiskor man ng 29 puntos, ay biglang nanlamig at tumira ng ilang tres na hindi kumonekta sa basket.

Grade: C

Ngunit may pagkakataon pang makabangon ang Pilipinas sa home court, kakalabanin ang powerhouse Asian team ng Iran sa Disyembre 3 at magdidikta kung ano ang magiging kapalaran ng koponan sa Fiba tournament.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?