16

Sep 13, 2020 @ 17:41
By

Anong basehan? Robredo duda sa pagbawas distansya ng mga pasahero

Kinuwestiyon ni Vice President Leni Robredo kung anong pinagbasehan ng gobyerno para bawasan ang distansya ng mga pasahero sa isa’t isa sa mga public utility vehicle (PUV).

Ayon kay Robredo, bagama’t natutuwa siya dahil dadami na ang magkakahanap-buhay dahil sa balik-pasada ng ilang tsuper, dapat pa rin umano ay isaalang-alang ang kalusugan sa COVID-19 pandemic.

“Masaya tayo na iyong public transport, magkakaroon na ng mas marami, kasi ang dami na talagang nagtitiis—hindi lang iyong mga drivers, pero pati iyong mga pasahero. Pero sana nakabase pa din sa siyensiya iyong pagdedesisyon,” saad ni Robredo sa kanyang radio show.

Simula sa Lunes ay magiging 0.75 meter na lang ang pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan tulad ng tren, jeep at iba pa, sa mga susunod na linggo ay bababa pa ito sa 0.5 at 0.3 meters.

Ngunit binalikan ni Robredo ang standard na 1 metro na nirekumenda ng World Health Organization (WHO) para makaiwas sa COVID-19.

“Hindi natin alam kung ano iyong basis ng IATF. Siguro hintayin natin, hintayin natin kung ano iyong naging basehan. Pero again, may ibang paraan na hindi nasusugal iyong kalusugan,” lahad ng Bise Presidente.

Mungkahi nito na magkaroon na lang ng ‘service contracting’ para mabawasan ang pag-aagawan ng pasahero at mapatupad ang social distancing.

“Kasi kapag nakabase sa ilang pasahero ang nakasakay, parating maghahabol ng boundary iyon. So sana hindi na muna boundary system. Sana service contracting, para mas madali ma-impose iyong social distancing,” ayon pa kay Robredo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?