Anong araw na? Blatche hindi pa rin sumisipot sa Gilas

Sharing is caring!

Paubos na ang mitsa sa paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa First Window ng FIBA Asia World Cup qualifying, pero hindi pa nagpapakita si naturalized ­Andray Blatche hanggang nitong Sabado.

Si Blatche ang inaasahang kukumpleto sa 16-man pool ng national team ni coach Chot Reyes na dadayo sa Tokyo sa susunod na linggo.

Sa Lunes, Nob. 20, ang iskedyul ng alis ng Nationals pa-Tokyo para harapin ang Japan sa Nob. 24 sa Komazawa Gym.

Sa mismong laro na ihahayag ang final 12 ng Gilas.

Siyempre pa, nakadepende ang lineup ni Reyes sa pagdating o hindi ni Blatche.

Nob. 3 pa sinimulan ni Reyes ang closed-door practice sa Meralco gym, nagkaroon ng three-day camp sa Taal Esplendido sa Tagaytay at pagkatapos ay balik-ensayo sa Gatorade Hoops gym sa Mandaluyong.

Walang Blatche na sumipot, dahil mukhang hindi pa makaalis sa pag­lalaro sa kanyang team sa Chinese Basketball Association.

Sa Twitter, nag-post si Reyes ng larawan ng pool na nasa Tagaytay kasama sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Jayson Castro, Kiefer Ravena, Carl Bryan Cruz, Raymund Almazan, Gabe Norwood, Troy Rosario, Calvin Abueva, ­Allein Maliksi, Matthew Wright, RR Pogoy, Kevin Alas at Mac Belo. Wala si ­Terrence Romeo.

Sa Instagram nitong Huwebes, nag-post si Blatche (draylive) ng action photo niyang ­naka-suot ng Gilas jersey na may caption na “Last game tomorrow then headed to Manila sorry for the hold up are season got pushed back but see yal soon.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?