483

Jul 4, 2018 @ 13:55
By

Anomalya sa barangay health station, pinasisiyasat sa Ombudsman, COA

Inirekomenda na ni Health Secretary Francisco Duque na imbestigahan ng Office of the Ombudsman, Commission on Audit (COA) at Presidential Anti-Crime Commission (PACC) ang natuklasan nilang iregularidad sa Barangay Health Stations (BHS) Project ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Duque, ipinadala nila sa tatlong tanggapan ang mga natuklasan ng DOH Task Force on BHS na nagsiyasat sa proyekto na pinasok noong panahon ni dating Health Sec. Janette Garin.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni DOH Undersecretary Roger Tong-An na binadyetan ng P8.1 bilyon ang konstruksyon ng 5,700 na barangay health stations.

Nanggaling ang salapi sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) at inilabas ito batay sa statement of allocation and release order o SARO noong Disyembre 29, 2015, kasabay ng P3.5 bilyon para sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccination project.

Naisipan itong imbestigahan ng DOH noong maningil nitong Marso 2018 ng P2.9 billion ang kontratista ng health stations na J-Bros Construction para sa naipatayo na umano nilang 429 na barangay health sites.

Pero, ayon kina Duque at Tong-Ann, natuklasan nila na 270 lamang ang natapos na barangay health stations at walo lang dito ang may kumpletong dokumento kaya inipit muna ang pambayad sa kontratista.

Sa pagdinig, pinuna nina Senador JV Ejercito at Senador Sherwin Gatchalian ang paggamit ng MPBF sa programa ng DOH sa halip na gamitin iyon sa pinaglalaanan na pagkuha ng karagdagang mga tauhan ng gobyerno.

Pinuna naman ni Senate President Tito Sotto na inaprubahan ang badyet ng barangay health stations at Dengvaxia noong Disyembre 29, 2015 kung kailan papasok na ang campaign period para sa 2016 elections at patapos na ang Aquino administration. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?