25

Sep 15, 2020 @ 17:07
By

Año nilaglag DOTr sa bawas-distansya sa mga pasahero

Sabi ni Interior Secretary Eduardo Año, hindi aprubado ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang bagong palisiya ng Department of Transportation (DOTr) na iklian ang distansya sa pagitan ng mga pasahero sa public utility vehicles (PUV). Taliwas ito sa nakasaad sa meeting minutes.

Paliwanag ni Año, na siya ring vice-chair ng IATF, ang pinayagan lang ng task force ang rekomendasiyon na i-update ang mga COVID-19 protocol na ayon sa mga medical expert.

“Nangyari kasi nung Sept. 7, nagkaroon ng presentation si Secretary (Karl) Chua ng NEDA [National Economic and Development Authority] at doon sinabi ni Secretary Chua na ‘yung kanyang recommendation, which is inadopt ng IATF, ay ‘adopt and continuously update the latest health standards and best practices in consultation with health sectors’,” sabi ng kalihim sa dzBB, Martes.

“Importante doon in consultation with health sectors. Kaya lang ang nangyari, nagpalabas ng operational guidelines ‘yung DOTr nang wala namang consultation sa health experts. Naglabas na sila ng 0.75 [meter], 0.50, 0.3… hindi ‘yan dumaan sa IATF,” dagdag niya pa.

Pero batay sa nakalap na kopya ng 69th IATF Minutes of the Meeting, inapruba nga ng IATF ang panukalang bawas-distansya sa mga PUV commuter.

Mababasa na sinuportahan nina Trade Secretary Ramon Lopez, Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, at Social Welfare Secretary Rolando Joselito Delizo Bautista ang proposal ng DOTr.

“Upon motion duly seconded, the body approved the proposal,” ayon pa sa IATF meeting minutes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?