73

Sep 14, 2021 @ 14:07
By

Año nag-sorry sa gigil ni Roque sa viral video

Nagpakumbaba na mismo si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at humingi ng tawad sa health workers na ‘di nagustuhan ang kumalat na viral video ng panggigigil ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sa panayam ng The Source, humingi ng tawad si Año sa health sector dahil sa nangyari kung saan pinagalitan ni Roque si Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physicians sa gitna ng IATF meeting.

“For me personally, I want to apologize to the health sector. That is an unfortunate event na hindi dapat nangyari,” ayon sa kalihim.

Para kay Año may punto naman ang sinasabi ni Roque ngunit may mali umano sa paraan niya ng pagsasabi nito.

“If I may say, ‘yung sinabi ni Secretary Harry Roque, ‘pag titignan mo may mga valid argument doon. Ang problema doon is the manner it was delivered. Siyempre ‘di ba kahit nasa government tayo, hindi iyon tinatawag na privilege para sigawan mo ang isang tao, magtaas ka ng boses,” aniya.

“Dapat cool lang tayo, let’s be open to all ideas in a professional manner. Iyon ‘yung para sa akin,” dugtong pa ni Año.

Gayunpaman, sinabi ni Año na paiigtingin daw nila ang seguridad upang maiwasan ang pag-leak ng video sa mga virtual meeting ng mga ahensya ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?