42
bylines-milky-rigonan
By

Ano ba ang priority?

Sharing is caring!

Kauumpisa pa lang ng 2018 pero sinabayan agad ito ng pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo.
Di pa naman ito epekto ng pinagtibay na Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law pero tulad ng inaasahan, maraming mga negosyante ang nagsasamantala para makapagtaas din ng presyo ng kanilang mga bilihin at serbisyo.
Bukod dito, wala pang IRR o implementing rules and regulations ang TRAIN law kaya wala talaga dapat na pagtaas o paggalaw muna sa presyo ng mga bilihin.
Sa usapin ng oil price hike, dapat obligahin ng Department of Energy ang mga oil companies na magpaliwanag dahil lumang stocks pa naman ang nasa kanilang imbentaryo kaya walang dahilan para basta-basta itaas ang presyo ng produktong petrolyo.
Domino effect ito sa presyo ng goods and services na agad sanang maaksiyunan ng gobyerno.
Pero sa unang bungad ng 2018, maingay ang isyu ng term extension at cha-cha.
Ito ba ang dapat unahin ng mga mambabatas at Malacanang o ang sikmura ni Juan dela Cruz?
Kung si House Speaker Pantaleon Alvarez ang pakikinggan, parang nakasisiguro na ito na uusad ang cha-cha ngayong taon.
Sa Mayo nga daw dapat nang magkaroon ng referendum kasabay ng SK at Barangay elections para malaman ang pulso ng mamamayan sa shift sa federal form of government.
Sagot ni Senate President Koko Pimentel, gahol sa panahon. Bukod dito, wala pang panukalang batas sa Senado para mabago ang pagpapalit sa sistema ng gobyerno sa kasalukuyang presidential patungong federal form of government.
Kung matuloy man, ngayong linggo pa lang ipa-file ni Pimentel ang bill.
Sa priority bills ng Senado ngayong 2018, di kasama ang cha-cha. Ngayong January, ilan sa mga tututukan ay ang bill sa Bangsamoro Basic Law at panukalang National ID system. Pero ika nga, pwedeng magbago ang ihip ng hangin depende sa kumpas ng Palasyo.
Sa Mayo, inaasahan na magsisilbing impeachment court ang Senado para dinggin ang mga reklamo laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno kaya mahirap masunod ang gustong timetable ng Kamara.
Tutal mataas naman ang kumpiyansa ng publiko sa liderato nina Pimentel at Alvarez base sa latest SWS survey, siguro mas makabubuti na simulan ang taon na magtrabaho muna bago ang cha-cha.
Sa mga nakalipas na administrasyon, kapag lumutang ang isyu ng cha-cha at term extension, tiyak hindi natutuloy.
Bistado kasi ng publiko na kahit nandun ang layunin na mabago ang sistema ng gobyerno, di maiwasan na pagdudahan ng publiko ang motibo para sa pansariling interes ng mga nanunungkulan.
Sana unahin muna aksiyunan, sahod ng mga manggagawa, presyo ng mga bilihin, ekonomiya, pesteng traffic, mas maayos na public transport system etc. etc.
Kung magagawan ito ng aksiyon, ang isyu ng cha-cha o kahit posibleng term extension, sa taongbayan mismo manggagaling.
Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?