105

Dec 21, 2018 @ 17:49
By

Angkas haharang sa TRO ng Korte Suprema, petisyon inihain

Pinapabawi ng kampo ng Angkas ride hailing mobile application ang temporary restraining order (TRO) na inisyu ng Korte Suprema na pumipigil sa pagpapatupad ng desisyon ng Mandaluyong Regional Trial Court pabor sa kanilang operasyon.

Matatandaan na dahil sa inisyu ng Kataas-taasang Hukuman, wala nang balakid sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hulihin ang mga Angkas driver dahil sa paglabag umano sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code na nagbabawal sa mga pribadong motorsiklo na pumasada.

Sa mosyon na isinumite ng DBDOYC Inc, ang may-ari ng Angkas app, tinukoy nito na nagkaroon ng paglabag sa kanilang due process nang maglabas ang Korte Suprema ng TRO nang hindi man lang muna hinihingi ang kanilang panig.

Hindi rin umano dapat muna iniakyat sa Korte Suprema ang kaso lalo pa’t ang Kataas-taasang Hukuman ay hindi naman ‘trier of facts’.

Anila, dapat ay naghain muna ang LTFRB ng motion for reconsideration sa mababang korte.

“Jurisprudence is replete with decisions which reiterate that before filing a petition for certiorari in a higher court, the attention of the lower court should be first called to its supposed error and its correction should be sought. The reason for this is to afford the lower court the opportunity to correct any actual or fancied error attributed to it through a re-examination of the legal and factual aspects of the case. Failing this, the petition for certiorari should be denied,” saad ng mosyon.

Iginiit pa ng private respondent na wala sa hurisdiksyon ng LTFRB ang kanilang negosyo dahil ang DBDOYC ay hindi naman public utility o common carrier.

Ang kanila umanong negosyo ay may kinalaman sa software application at hindi sila nag-ooperate bilang transportation service.

“DBDOYC does not own a single motorcycle and the accredited drivers are not employees of DBDOYC. Even the Angkas-accredited drivers are likewise not common carriers or public utilities as they do not hold out their service generally to the public and they may refuse at any time any legitimate demand for service,” dagdag ng respondent sa kanilang mosyon.

Ipinagmalaki pa ng respondent nang simula nang magbalik sila sa operasyon nitong September 2018, wala pang naitalang casualty mula sa operasyon ng Angkas app.

“With the Christmas season upon us, the traffic situation in Metro Manila is bound to worsen with helpless and hapless commuters having to suffer limited transport options. Worse, the specter of jobs being lost by thousands of Angkas drivers looms large,” bahagi ng mosyon ng kampo ng Angkas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?