81

Nov 28, 2017 @ 18:29
By

Angkas dapat sumunod pa rin sa batas – MMDA

Hindi naman itinanggi ng Metropolitan Manila Development Authority na maganda ang intensyon ng suspendidong Angkas na magsakay ng mga Metro Rail Transit 3 commuters lalo na tuwing rush hour o may aberya sa biyahe ng EDSA mass transport system.

Ngunit giit ni Celine Pialago, ang tagapagsalita ng MMDA, may mga batas pa rin na dapat sundin at gagabay sa nais ng motorcyle ride-sharing group.

Sinabi ni Pialago na kinikilala naman nila na ang ‘bayanihan spirit’ ang nais ipadama ng Angkas ngunit may mga batas na malalabag kung papayagan nila ang alok na libreng sakay ng grupo.

Giit nito, itinuturing ng Land Transportation Franchise and Regulatory Board o LTFRB na ilegal ang operasyon ng ‘motorcycle taxi’ kayat libre man ang kanilang pagsasakay ay bawal pa rin ito.

Ani Pialago, kailangan pa ring kumuha ng Angkas ng permit para makapagbigay ng libreng sakay sa publiko.

Sabi ni LTFRB spokesperson Aileen Lizada, hindi pinapayagan ang mga motorsiklo na gamitin bilang public transportation vehicles.

Kamakalawa, nagsakay ng Angkas ng mga MRT commuters sa North Avenue station, ngunit pinigilan sila ng MMDA at nagdulot pa ito ng tensyon sa pagitan ng mga miyembro ng Angkas at enforcers. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?